KORONADAL CITY – Humihingi ngayon ng hustisya at agarang interbensyon sa pamahalaan ang pamilya ng isang Pinoy seafarer mula sa Barangay Sta. Cruz sa lungsod na ito, matapos aminin ng kapitan ng dayuhang barko na nilabag nito ang emergency protocol nang i-activate ang nakamamatay na CO2 system habang nasa loob pa ng nasusunog na sasakyang pandagat ang biktima sa may Strait of Hormuz.
Sa eksklusibong ulat na nakakarating sa Bombo Radyo, kinumpirma ng pamilya na si 3rd Engineer Erby Garcesa Andayran na lamang ang nawawalang tripulante matapos atakihin ang barkong Minoan Pioneer noong August 3, 2026.8.
Base sa salaysay ng pamilya, nalaman nila sa isang video call noong August 8 na matapos ang tatlong bigong pagtatangka na iligtas si Andayran dahil sa tindi ng apoy, sariling desisyon ng kapitan na i-activate ang CO2 System kahit hindi pa ito nakakalabas.
Mariing bumatikos ang pamilya dahil labag sa internasyonal na batas-pandagat ang pagbubukas ng sistema kung may tao pang hindi 100% accounted for.
Reklamo ng mga kaanak, ninakawan ng kapitan ng pagkakataong mabuhay sa isang milagro ang biktima.
Nagtataka rin sila kung bakit isang linggo na ang nakalipas mula sa insidente sa Strait of Hormuz ay patuloy pa ring nagliliyab ang barko.
Dahil dito, pormal nang lumapit ang pamilya kay South Cotabato Governor Reynaldo S. Tamayo Jr. na agad namang umalalay sa kanila, at kasalukuyan silang umaapela kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang mapabilis ang rescue at retrieval operations sa laot.













