-- ADVERTISEMENT --

Nanatiling kumpiyansa ang House Prosecution panel na masusunod ang target nitong timeline para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sa kabila ng mga petisyong inihain sa Supreme Court na kumukuwestyon sa voting threshold na itinakda ng Senate Impeachment Court.

Ayon kay panel spokesperson Rep. Renee Co, magpapatuloy ang iskedyul na inilatag ng Senado, kabilang ang testimonya ng mga witness, cross-examination at interpellation ng mga senador bilang impeachment judges.

Aniya, mananatili ang kasalukuyang schedule hangga’t walang inilalabas na Temporary Restraining Order (TRO) o preliminary injunction ang Supreme Court.

Nanindigan din ang House panel na tama ang paglilinaw ng impeachment court sa paraan ng pagbibilang ng denominator para sa voting threshold.

Ayon kay Co, hindi umano binago ng Senado ang kinakailangang fraction para sa conviction, kundi nilinaw lamang kung paano ito bibilangin batay sa aktuwal na bilang ng mga senador sa oras ng paghatol.

Samantala, magkahiwalay na naghain ng petisyon sa Supreme Court sina dating presidential spokesperson Atty. Victor Rodriguez at Atty. Ernesto Francisco Jr. upang kuwestyunin ang naging hakbang ng Senate Impeachment Court.