-- ADVERTISEMENT --

Naghahanda ang Commission on Elections (COMELEC) sa posibleng mga legal na hakbang na maaaring makaapekto sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na itinakda na ngayon sa Nobyembre 2028.

Kasunod ito ng paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Republic Act No. 12326, na naglipat sa susunod na BSKE mula Nobyembre 2, 2026 patungo sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028.

Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, hindi nangangahulugan na awtomatikong maibabalik ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) sakaling magkaroon ng petisyon laban sa bagong batas.

Mas binabantayan ng poll body ang posibilidad na maglabas ang Supreme Court ng temporary restraining order (TRO), dahil maaari nitong baguhin ang kasalukuyang election preparations.

Giit ni Garcia, kailangan ng malinaw na legal na batayan at sapat na abiso bago muling isagawa ang mga aktibidad na kinansela o ipinagpaliban.

Samantala, nakatakda ring muling buksan ang voter registration mula sa ikalawang linggo ng Nobyembre hanggang Hulyo 2027 upang mabigyan ng pagkakataon ang mga bagong botante na magparehistro at ang mga botanteng kailangang maglipat ng rehistrasyon.

Malaki na rin ang inilaan ng COMELEC para sa paghahanda sa ipinagpalibang halalan. Ang mga hindi nagamit na pondo para sa 2026 BSKE ay maaari namang manatiling available bilang continuing appropriations para sa preparasyon ng 2028 elections.

Samantala, sinabi ng COMELEC na itatabi muna ang mga election paraphernalia, kabilang ang mga balota, upang maaari itong mapakinabangan sa mga susunod na halalan.

Sa ilalim ng RA No. 12326, itinakda ang limang taong termino ng mga halal na barangay at SK officials at ang susunod na BSKE ay gaganapin sa Nobyembre 2028.