Iginiit ni House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na dapat pa ring seryosong imbestigahan ang anumang aktuwal na banta laban kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang pamilya.
Ito ay sa kabila ng pagtawag ni Adiong na “ironic” sa pahayag ni Duterte na nangangamba siya para sa kanyang seguridad, habang nahaharap naman ang bise presidente sa tatlong bilang ng grave threats.
Kaugnay ito ng mga pahayag ni Duterte noong 2024 na mayroon siyang nakausap na isang tao para ipapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Nagpiyansa si Duterte ng kabuuang P360,000 noong Sabado sa Quezon City court, isang araw matapos maglabas ng arrest warrant laban sa kanya.
Bago pumasok sa Hall of Justice, sinabi ng bise presidente na hindi siya nagtitiwala sa pulisya at nangangamba siya para sa kanyang seguridad at ng kanyang pamilya. Aniya, nakararanas na siya ng kawalan ng seguridad mula pa noong 2023 dahil sa umano’y harassment.
Kinuwestiyon naman ni Adiong ang naturang pahayag at sinabing tila nababaligtad ang sitwasyon dahil si Duterte mismo ang nahaharap sa kasong may kaugnayan sa pagbabanta.
Gayunman, nilinaw ng mambabatas na hindi dapat balewalain ang anumang konkretong banta laban sa bise presidente, anuman ang kanyang kinakaharap na kaso.
Samantala, sinabi ng Philippine National Police na wala itong natanggap na impormasyon o ulat tungkol sa anumang banta laban kay Duterte o sa kanyang pamilya.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy na mino-monitor at ina-assess ng pulisya ang sitwasyon upang matiyak ang seguridad ng bise presidente.













