-- ADVERTISEMENT --

Inaprubahan ng House of Representatives ang panukalang palawigin mula apat tungong limang taon ang termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials.

Sa botong 211 pabor, 13 tutol at isang abstention, nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10971. Itinutulak din nito ang pagpapaliban ng Barangay at SK Elections (BSKE) sa 2028.

Tinutulan naman ito ni House Assistant Minority Leader Renee Co ng Kabataan Party-list, na nagsabing maaari itong magpatuloy sa political patronage. Iginiit niyang kailangan ng malinaw at makatuwirang governmental interest o tunay na emergency bago ipagpaliban ang halalan.

Matatandaang kamakailan lamang ay pinalawig na mula tatlo tungong apat na taon ang termino ng barangay at SK officials.

Kailangan pa ring aprubahan ng Senado ang panukala bago ito tuluyang maging batas.