-- ADVERTISEMENT --

Posibleng ipatawag ng Senate Impeachment Court sina Col. Raymund Lachica at Col. Dennis Nolasco upang personal na sagutin ang mga tanong kaugnay ng paggamit ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.

Hiniling ni Sen. Erwin Tulfo na humarap mismo sa korte ang dalawang military official matapos silang mabanggit sa paglilitis kaugnay ng umano’y pagtanggap ng milyun-milyong pisong confidential funds para sa pagpapatupad ng mga programa ng Office of the Vice President at Department of Education.

Ayon kay Tulfo, nais ng mga senator-judge na direktang marinig mula kina Lachica at Nolasco kung saan at paano ginamit ang naturang pondo.

Gayunman, sinabi ni Lead Prosecutor Rep. Gerville Luistro na napagdesisyunan na ng House prosecution panel na hindi na ipatawag ang dalawang opisyal.

Aniya, sapat na ang mga ebidensiyang inihaharap ng House panel tungkol sa alegasyon ng maanomalyang paggamit ng confidential funds ni Duterte at hindi na kailangan pang isalang sa witness stand ang dalawang colonel.

Sa kabila nito, iginiit ni Senate President at Trial Presiding Officer Chiz Escudero na may kapangyarihan ang impeachment court na ipatawag ang mga opisyal kung ituturing nitong kinakailangan bago maglabas ng desisyon sa kaso.

Binigyang-diin ni Escudero na kung kakailanganin ng korte ang testimonya nina Lachica at Nolasco upang malinawan ang mga isyung nakapaloob sa kaso, maaari silang ipatawag bago tuluyang magpasya ang mga senator-judge.