-- ADVERTISEMENT --

Naniniwala si Department of Justice Secretary Fredderick Vida na may basehan ang pangamba ni Vice President Sara Duterte hinggil sa kanyang kaligtasan.

Ito ay matapos sabihin ng Bise Presidente na hindi siya ligtas nang magtungo sa Quezon City Regional Trial Court kaugnay ng kasong kinakaharap niya.

Ayon kay Vida, ikinalungkot niya ang naturang pahayag at hindi dapat minamaliit o binabalewala ang nararamdaman ng isang indibidwal, partikular na ang pangamba nito sa sariling seguridad.

Gayunman, nilinaw ng kalihim na hindi siya magbibigay ng espekulasyon kung ano ang posibleng pinagmulan ng sinabi ng Bise Presidente.

Nahaharap si Duterte sa kasong grave threats at naglagak ng piyansa matapos maglabas ng warrant of arrest ang korte laban sa kanya.

Sa kabila nito, tiniyak ni Vida na gagampanan ng mga awtoridad ang kanilang tungkulin upang matiyak ang seguridad ni Duterte, gayundin ang kaligtasan ng publiko.

Binigyang-diin ng DOJ chief na mahalagang mapanatili ang seguridad ng lahat habang nagpapatuloy ang mga legal na proseso laban sa Bise Presidente.