Pansamantalang kinansela o na-delay ang mahigit 200 flights papasok at palabas ng Jakarta, Indonesia matapos magbuga ng makapal na volcanic ash ang bulkang Anak Krakatau nitong Linggo, Setyembre 6.
Dahil sa ash cloud, pansamantalang isinara ang Soekarno-Hatta International Airport, na nag-iwan ng tinatayang 23,000 biyaherong stranded.
Ayon sa geological agency ng Indonesia, nagpakita ng pagtaas ng aktibidad ang bulkan noong Sabado bago ang pagsabog bandang 3:53 a.m. kinabukasan. Umabot ang abo sa ilang bahagi ng Jakarta at Lampung, ngunit wala namang naiulat na nasawi o nasugatan.
Nananatiling mahigpit ang pagbabantay ng mga awtoridad sa aktibidad ng bulkan dahil maaari itong makaapekto sa air travel at kaligtasan ng mga residente sa mga kalapit na lugar.
Ang Anak Krakatau ay naging sanhi rin ng mapaminsalang tsunami noong 2018 na ikinasawi ng humigit-kumulang 430 katao.













