-- ADVERTISEMENT --

Naiulat ang pagkawala ng isang Pilipinong seafarer mula sa Region 12 matapos tamaan at pasabugan ng isang hindi pa kilalang armas ang barkong Minoan Pioneer habang naglalayag sa Strait of Hormuz.

Siya ay opisyal nang idineklarang nawawala, kaya labis ngayon ang pag-aalala ng kanyang pamilya.

Ayon sa ulat, nangyari ang pag-atake bandang alas-10 ng gabi noong Lunes, Agosto 3.

Ang barko ay nasa karagatan ng Oman nang biglang tumama ang pasabog sa mismong kuwarto ng makina o engine room.

Dahil sa lakas ng pagsabog, agad na nawalan ng kuryente ang buong barko at mabilis na kumalat ang malaking sunog hanggang sa tulugan ng mga tripulante.

Kahit sinubukan ng mga kasamahang crew na apulahin ang apoy, napilitan din silang iwanan ang nasusunog na barko dahil sa tindi ng panganib.

Humingi rin sila ng tulong gamit ang radyo na mabilis namang sinagot ng isang kalapit na tanker na Surianame Prosperity.

Ngunit matapos makalikas ang mga crew, doon lamang nila napansin na nawawala na ang naturang Third Engineer.

Ito na ang ikaapat na pag-atake sa mga barko sa naturang lugar sa loob lamang ng limang araw dahil sa kaguluhan at tensyon sa rehiyon.

Sa ngayon, nag-iimbestiga na ang United Kingdom Maritime Trade Operations (UKMTO) para malaman kung sinong grupo ang may gawa ng pag-atake, habang patuloy naman ang paghahanap sa nawawalang marinong Pilipino.