-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte ng mas malawak at hindi “selective” na imbestigasyon sa mga isyung may kinalaman sa umano’y extrajudicial killings (EJK) at iba pang kontrobersiya sa bansa.

Kasunod ito ng pagbuo ng Truth Commission, isang independent at civilian-led na grupo na pinamumunuan ni dating International Criminal Court Judge Raul Pangalangan at naglalayong idokumento at mapreserba ang mga testimonya at impormasyon kaugnay ng mga umano’y paglabag sa karapatang pantao.

Ayon kay Duterte, walang pagtutol sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga ulat ng pagpatay at dapat managot ang sinumang mapatunayang responsable. Gayunman, iginiit niyang kung layunin ng isang Truth Commission na alamin ang katotohanan, dapat itong isagawa nang komprehensibo at hindi nakatuon lamang sa piling mga isyu.

Itinaas din ng mambabatas ang usapin ng mga umano’y maanomalyang flood control projects, na aniya ay dapat ding mabigyan ng kaukulang atensyon.

Kabilang sa nais niyang matukoy sa mga imbestigasyon kung saan napunta ang pondo, sino ang nakinabang, sino ang nagpanukala ng mga proyekto at sino ang posibleng nagprotekta sa mga sangkot.

Sa ganitong paraan, ayon sa kanyang posisyon, hindi lamang isang partikular na hanay ng mga alegasyon ang masusuri kundi ang iba’t ibang isyung may malaking epekto sa publiko at sa paggamit ng pondo ng bayan.

Samantala, hiwalay na iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation ang tinatayang P1.9 bilyong flood control projects sa Davao City, kabilang ang mga proyektong na-award sa iisang contractor.