-- ADVERTISEMENT --

Mas mataas na pamasahe ang sasalubong sa mga commuter simula Setyembre 28 matapos aprubahan ng Department of Transportation (DOTr) ang fare increase para sa mga pampasaherong sasakyan.

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, ipatutupad ang taas-pasahe kasunod ng rekomendasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na alisin na ang suspensiyon sa fare hike na ipinatupad noong Marso 2026.

Sa ilalim ng bagong pasahe, magiging P14 na ang minimum fare sa unang apat na kilometro para sa tradisyunal na jeepney, mula sa dating P13. May karagdagang P2 kada kilometro para sa susunod na distansiya.

Para naman sa mga modern jeepney, tataas sa P17 ang minimum fare mula sa P15, habang magiging P2.40 kada kilometro ang dagdag na pasahe.

Ipinaliwanag ni Lopez na kailangan nang ipatupad ang fare adjustment upang makatulong sa pagkakaroon ng sapat na bilang ng mga pampasaherong sasakyan na bumibiyahe sa mga kalsada.

Samantala, pinaalalahanan ng kalihim ang mga tsuper at operator na patuloy na ipatupad ang 20 porsiyentong fare discount para sa mga kwalipikadong estudyante at senior citizen.

Sa pagpasok ng bagong pasahe, inaasahang kailangang maglaan ng dagdag na budget ang mga regular na commuter para sa kanilang araw-araw na biyahe.