KORONADAL CITY – Boluntaryong sumuko ang isang labing-anim (16) na taong gulang na estudyante sa mga awtoridad sa bayan ng Surallah matapos magdulot ng matinding takot sa kanyang mga kaklase dahil sa kanyang naging post sa Facebook at mga mensahe sa Group Chat.
Sumuko ang suspek dahil sa takot ng publiko matapos ang naganap na pamamaril sa Banga National High School kung saan tatlo ang namatay at sampu ang nasugatan.
Kinumpirma naman ni Barangay Kagawad Rone Braza ng Barangay Libertad, Surallah, na sa kanya direktang lumapit at sumuko ang suspek na isang Grade 11 student ng Libertad National High School, at residente ng Barangay 5, Banga, South Cotabato.
Ayon sa ulat, nag-ugat ang reklamo ng mga mag-aaral at magulang matapos mag-post at mag-send ang menor de edad ng mensahe sa kanyang mga kaklase sa Facebook Messenger at Group Chat na may banta na: “INDE KMU MAG ESKWELA MAY DALA KO P***L”
Inihayag ni Kagawad Braza na base sa mga natanggap na mensahe, nagbanta ang suspek na may mangyayari ngayong araw ng Huwebes, Setyembre 24, 2026.
Dahil sa matinding takot na maulit ang trahedya sa Banga National High School, agad na nagreport sa pulisya ang mga kaklase nito at nakatanggap ng banta.
Sa ngayon, nasa pangangalaga na ng mga awtoridad ang suspek para sa kaukulang disposisyon at imbestigasyon kung ano ang tunay na motibo sa likod ng kanyang ginawang pananakot.













