-- ADVERTISEMENT --

BANGA, SOUTH COTABATO — Nananatili pa rin sa pagamutan ang apat sa pitong estudyanteng nasugatan sa shooting incident sa Banga National High School noong Setyembre 18.


Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Banga Mayor Albert Palencia, sinabi niyang patuloy ang monitoring sa mga biktima at ang pagdating ng tulong mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa mga estudyante at kanilang pamilya.


Samantala, personal na bumisita sa paaralan si Cabinet Secretary at dating DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. upang kumustahin ang mga biktima at kanilang pamilya. Sa panayam ng Bombo Radyo kay Abalos, sinabi niyang dala niya ang mensahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kasabay ng pagtiyak sa suporta ng pamahalaan sa mga biktima.


Kaugnay nito, iminungkahi ni Abalos ang mas mahigpit na regulasyon sa paggamit ng social media ng mga kabataan, kabilang ang posibilidad ng pagkakaroon ng classification system para sa online content na maaaring ihalintulad sa sistema ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB.


Samantala, patuloy ang modular classes sa Banga National High School habang isinasagawa ang psychological at psychosocial assessment sa mga estudyante at guro na naapektuhan ng insidente.


Tiniyak naman ni Mayor Palencia na makikipagtulungan ang LGU, Parents-Teachers Association o PTA, at school administration sa pag-aksyon sa perimeter fence ng paaralan bilang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad.