-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang state weather bureau matapos mabuo ang Low Pressure Area sa silangan ng Visayas bilang Tropical Depression Haishen, dahilan upang maglabas ito ng Tropical Cyclone Advisory No. 1.

Batay sa pinakahuling ulat, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,265 kilometro silangan ng Eastern Visayas at nananatili pa itong nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Kapag tuluyang pumasok sa loob ng PAR, papangalanan ang sama ng panahon na Julian.

Taglay ng tropical depression ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras. Kumikilos ito sa direksyong west northwestward sa bilis na 30 kilometro kada oras.

Sa ngayon ay wala pa itong direktang epekto sa anumang bahagi ng bansa. Gayunman, patuloy na pinapayuhan ng mga weather expert ang publiko na bantayan ang mga susunod na weather bulletin dahil maaari pang magbago ang galaw, lakas, at posibleng magiging epekto ng bagyo.

Mananatiling umiiral ang inilabas na Tropical Cyclone Advisory hanggang sa susunod na update na inaasahang ilalabas ngayong alas-11:00 ng gabi.