Tinanong ni Senator-Judge Bam Aquino ang House prosecution at defense panel kung maghahain sila ng petisyon sa Supreme Court sakaling hindi pabor sa kanilang posisyon ang magiging desisyon ng Senate Impeachment Court sa usapin ng voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa oral arguments, sinabi ni defense counsel Atty. Michael Poa na malaki ang posibilidad na dalhin nila sa Supreme Court ang naturang usapin kung hindi pabor sa depensa ang magiging ruling.
Samantala, iginiit ni House prosecutor Rep. Chel Diokno na may kapangyarihan ang Senate Impeachment Court na resolbahin ang voting threshold, bilang bahagi ng mandato nitong “try and decide” impeachment cases.
Ang oral arguments ay bahagi ng pagresolba ng impeachment court kung mananatili sa 16 na boto o babaguhin ang kinakailangang threshold para sa conviction.













