Inaasahan ng House prosecution panel na haharap sa impeachment trial sa Lunes, Setyembre 28, si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte bilang witness laban sa kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House lead prosecutor Rep. Gerville Luistro, maaari nilang ituring si Baste bilang hostile witness, at inaasahang isang oras o mas maikli ang pagtatanong dahil cross-examination na lamang umano ang pangunahing bahagi nito.
Inatasan ng Senate impeachment court si Baste na dumalo mula Setyembre 28 hanggang 30 at magdala ng mga rekord ng Davao City Government kaugnay ng Gencorp Industries Inc. at mga kumpanyang nagpapatakbo ng Jollibee branches mula 2020 hanggang kasalukuyan.
May 19 kontrata umano ang Davao City Government sa Gencorp na nagkakahalaga ng P33.2 milyon. Ang Gencorp ay kabilang sa mga kumpanyang idineklara ni VP Sara bilang business interest sa kanyang 2024 at 2025 SALN.
Sinabi naman ni Baste na hindi lumilitaw ang pangalan ng kanyang kapatid o ang apelyidong Duterte sa mga kaukulang kontrata.
Wala pa ring kumpirmasyon kung haharap si Baste sa Lunes, ayon kay Luistro. Gayunman, nananatiling epektibo ang subpoena ng impeachment court, at maaari itong humiling ng contempt kung hindi susunod ang alkalde, o maglabas ng panibagong subpoena o contempt order.













