Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na sila lamang ang may awtoridad na magtaas ng alert level sa ibang bansa, kasunod ng kalituhan matapos ang pahayag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) hinggil sa umano’y pagtaas ng alert level dahil sa kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Nilinaw ng DFA na wala itong itinaas na alert level sa Kuwait, Bahrain, United Arab Emirates, at Qatar sa kabila ng nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Iran, Israel, at United States.
Sa kasalukuyan, ang mga bansang may umiiral na alert level ay ang Iran (Alert Level 2), Iraq (Alert Level 3), Israel (Alert Level 2), Jordan (Alert Level 1), Lebanon (Alert Level 3), Palestine (Alert Level 4), Syria (Alert Level 4), at Yemen (Alert Level 4).
Binigyang-diin ng DFA na mahalagang malinaw ang impormasyon upang maiwasan ang kalituhan at masiguro ang tamang gabay para sa mga Pilipino sa abroad.













