-- ADVERTISEMENT --

Inaasahang madaragdagan ang airlift at disaster-response capability ng Philippine Air Force (PAF) sa pagtanggap nito ng pitong S-70i Black Hawk helicopters.

Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Christina Basco, ang pitong helicopter ay bahagi ng 32 S-70i Black Hawk units na binili ng pamahalaan bilang bahagi ng modernization program ng Air Force.

Isasagawa ang turn-over, acceptance at blessing ceremony sa 250th Presidential Airlift Wing Hangar sa loob ng Col. Jesus Villamor Air Base sa Pasay City. Pangungunahan bilang pangunahing pandangal ang seremonya ni PAF Commanding General Lt. General Arthur Cordura.

Bukod sa military operations, gagamitin ang mga bagong helicopter para mapalakas ang kakayahan ng PAF sa mabilis na transportasyon ng mga sundalo at iba pang personnel.

Maaasahan din ang mga ito sa humanitarian assistance at search-and-rescue at iba pang operasyon tuwing may kalamidad o emergency.

Ayon kay Basco, ang mas malaking kapasidad ng S-70i Black Hawk ay magbibigay sa PAF ng mas mabilis at mas episyenteng air support para sa national defense at emergency response.

Ang pagdating ng karagdagang helicopters ay bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng air assets ng bansa upang mas maging handa ang PAF hindi lamang sa mga operasyong pangdepensa kundi pati sa pagtugon sa mga sakuna at iba pang krisis.