-- ADVERTISEMENT --

Pinabulaanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang akusasyon ni Vice President Sara Duterte na may kinalaman ang kaniyang administrasyon sa mga alegasyong naglalayong siraan ang bise presidente, at iginiit na dapat munang patunayan ang mga paratang sa pamamagitan ng ebidensiya.

Nag-ugat ang usapin sa mga pahayag ni Rodulfo Gracioso Jr., isang sinibak na pulis na nag-aangking naghahatid ng malalaking halaga ng pera kay Duterte at sa mga miyembro ng pamilya nito.

Ayon kay Marcos, mahalagang matukoy muna ang katotohanan at masuri ang mga ebidensiya bago bumuo ng konklusyon laban sa sinumang opisyal ng pamahalaan.

Nilinaw din ng pangulo na hindi niya gaanong sinusubaybayan ang mga usaping pampolitika na kinasasangkutan ng bise presidente, kabilang ang impeachment proceedings nito, dahil nakatuon siya sa kaniyang mga responsibilidad bilang pinuno ng bansa.

Samantala, itinanggi ni Marcos na si Duterte ang pinatatamaan niya nang gamitin ang salitang “buwaon,” na nangangahulugang sinungaling. Ipinaliwanag niyang kaugnay ito ng kaniyang reaksiyon sa panukalang amyendahan ang Konstitusyon upang kanselahin ang halalan.

Tungkol naman sa paglalahad ni Palace press officer Claire Castro sa kaniyang pahayag bilang reaksiyon laban kay Duterte, sinabi ni Marcos na maaaring nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa interpretasyon ng kaniyang komento.

Binigyang-diin ng pangulo na hindi nilayon ang naturang reaksiyon bilang pampublikong pahayag o opisyal na posisyon ng Malacañang. Muli rin niyang iginiit na dapat may sapat na ebidensiya upang mapatunayan ang mga alegasyon laban sa mga opisyal ng pamahalaan.