Isang bagong milestone sa kanilang relasyon ang ipinagdiwang nina singer Kris Lawrence at Kapuso actress Katrina Halili matapos ang kanilang muling pagbabalikan.
Sa social media, ibinahagi ni Kris ang larawan nila ni Katrina kasama ang anak nilang si Katie habang inihahatid siya ng mag-ina sa airport. Kalakip nito ang pasasalamat niya sa dalawa at pagbati kay Katrina sa kanilang unang monthsary bilang opisyal na magkasintahan.
Limang taon naging magkasintahan sina Kris at Katrina bago naghiwalay noong 2014. Noong Hunyo, muling niligawan ng singer ang aktres, na humantong sa kanilang pagbabalikan. Pagsapit ng Setyembre, inanunsyo nila ang pagsisimula ng panibagong yugto ng kanilang relasyon.
Makalipas ang ilang taon mula nang maghiwalay, muling binigyan ng pagkakataon ng dalawa ang kanilang pagmamahalan habang patuloy na magkasama sa pagpapalaki sa kanilang anak na si Katie.








