Naibalik na sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kontrobersyal na green box na naglalaman umano ng tax records nina Vice President Sara Duterte at kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Ang naturang kahon ay unang ipinasa sa House of Representatives at kalaunan ay dinala sa Senado bilang bahagi sana ng mga ebidensyang ihaharap ng House Prosecution Panel sa impeachment trial laban kay Vice President Duterte.
Gayunman, iniutos ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero ang pagbabalik ng kahon sa BIR matapos niyang sabihin na wala pang court order na nagpapahintulot sa legal na paglilipat ng kustodiya ng naturang dokumento mula sa ahensya patungo sa Senado.
Pinangunahan ni Senate Secretary at concurrent clerk of court Renato N. Bantug Jr., kasama ang Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA), ang pagbabalik ng green box sa tanggapan ng BIR sa Quezon City nitong Hulyo 7, 2026.
Sinamahan ang paghahatid ng ilang police escort bilang bahagi ng seguridad sa proseso ng pagbabalik ng naturang kahon.
Nananatiling usapin sa impeachment proceedings ang paggamit ng naturang dokumento bilang ebidensya, habang hinihintay ang mga susunod na hakbang kaugnay ng legal na proseso sa kustodiya at presentasyon nito sa paglilitis.













