Nagpahayag ng pagkabahala ang Department of Justice (DOJ) sa posibleng malawakang paggamit ng pekeng Persons with Disability (PWD) ID sa bansa, kasunod ng datos na nagpapakita ng malaking agwat sa bilang ng mga gumagamit at rehistradong benepisyaryo.
Ayon kay Chief State Counsel Dennis Arvin Chan, mahigit walong milyon ang umano’y gumagamit ng PWD ID, batay sa datos na natanggap mula sa National Council on Disability Affairs (NCDA), kumpara sa 2.8 milyong rehistradong PWD. Tinatayang anim na milyon ang diperensya sa dalawang bilang.
Nagbabala ang DOJ na maaaring maharap sa kasong falsification of public documents, estafa, at graft and corruption ang mga mapatutunayang sangkot sa paggamit o paggawa ng pekeng ID, depende sa mga pangyayari at naaangkop na batas.
Pinayuhan din ang mga negosyanteng may pagdududa sa pagiging lehitimo ng PWD ID na makipag-ugnayan sa kanilang lokal na pamahalaan para sa beripikasyon.
Layunin ng hakbang na mapigilan ang pang-aabuso sa mga benepisyo at diskuwentong nakalaan para sa mga lehitimong PWD.













