-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakaposisyon na ang mahigit 4.9 milyong family food packs sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Tropical Depression Luis.

Ayon sa ahensya, nakaimbak ang mga relief goods sa mahigit 1,000 bodega sa iba’t ibang rehiyon upang matiyak ang agarang pamamahagi ng tulong sa mga pamilyang maaaring maapektuhan ng bagyo at iba pang matitinding panahon.

Binigyang-diin ng DSWD na tuloy-tuloy ang produksyon ng family food packs sa kanilang Disaster Resource Centers sa Luzon at Visayas upang mapanatiling sapat ang suplay bago pa man tumama ang sama ng panahon.

Nauna na ring namahagi ang ahensya ng ready-to-eat food boxes sa mga na-stranded na pasahero sa Bicol Region at family food packs sa mga evacuee sa Zamboanga bilang bahagi ng kanilang maagang disaster response.

Ang bawat family food pack ay naglalaman ng anim na kilong bigas, sampung de-lata, at tig-limang sachet ng instant coffee at chocolate drink na sapat para sa pamilyang may limang miyembro sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.

Samantala, ang ready-to-eat food box ay may lamang champorado, arroz caldo, tuna paella, at protein biscuits na maaaring magsilbing pagkain ng isang pamilyang may limang miyembro sa loob ng isang araw.