Pansamantalang sinuspinde ng administrasyong Marcos ang excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene matapos lumampas sa itinakdang antas ang presyo ng Dubai crude oil.
Nakasaad sa Executive Order No. 125 na walang ipapataw na excise tax sa LPG, maliban sa mga produktong ginagamit bilang feedstock sa paggawa ng petrochemical products. Saklaw din ng suspensyon ang kerosene, ngunit hindi ang ginagamit bilang aviation fuel.
Ang hakbang ay isinagawa matapos i-certify ng Department of Energy (DOE) na umabot sa average na US$99.41 kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) sa nakalipas na 30 araw.
Inirekomenda ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang tax suspension bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng krudo.
Hindi naman awtomatikong permanente ang suspensyon. Muling susuriin ng DBCC, kasama ang DOE, ang sitwasyon makalipas ang 15 araw at bawat buwan pagkatapos nito.
Batay sa magiging pagsusuri, maaaring irekomenda ng DBCC kay Pangulong Marcos ang pagpapatuloy, pagbabago, pagpapalawig o tuluyang pagtatapos ng suspensyon sa excise tax.
Bago ipatupad ang kautusan, inatasan din ang DOE at Department of Finance (DOF) na magsagawa ng imbentaryo sa mga nakaimbak na LPG at kerosene.
Sa pamamagitan ng mekanismong ito, nakatakdang regular na repasuhin ng pamahalaan ang tax suspension depende sa galaw ng presyo ng langis.












