May bagong pagbabago sa panunungkulan ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 12326.
Sa ilalim ng batas, may dalawang taong karagdagang panunungkulan para sa mga incumbent barangay officials bilang bahagi ng transition period. Ituturing na isang buong termino ang naturang extension.
Dahil dito, maaapektuhan ang mga kasalukuyang opisyal na nasa kanilang huling termino. Hindi na sila maaaring muling kumandidato sa parehong posisyon sa Barangay at SK elections na nakatakda sa Nobyembre 2028.
Gayunman, hindi nangangahulugan ang extension ng termino na exempted na ang mga incumbent officials sa pananagutan.
Mananatili silang saklaw ng mga administrative, civil at criminal case, kabilang ang mga kasong nakabinbin na o maaaring ihain habang sila ay nasa puwesto.
Magkakabisa ang RA No. 12326 matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon.
Sa bagong transition arrangement, nakatakdang magkaroon ng pagbabago sa eligibility ng ilang incumbent officials pagdating ng 2028 elections, partikular sa mga kasalukuyang nasa kanilang last term sa parehong posisyon.













