Pinuna ni Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David ang pahayag ni Sen. Imee Marcos na dapat payagan ang remote participation o online attendance sa sesyon ng Senado bilang paraan umano para hindi maapektuhan ang representasyon ng mga botante.
Sa isang social media post, iginiit ni Marcos na hindi dapat mabale-wala ang milyun-milyong botong nagluklok sa mga senador, at dapat silang payagang makilahok kahit hindi personal na nakadalo sa plenaryo.
Ngunit giit ni Cardinal David, mas dapat umanong bigyang pansin ang sitwasyon ng mga halal na opisyal na hindi regular na nakadadalo nang pisikal sa sesyon, partikular na si Sen. Ronald dela Rosa, na umano’y ilang buwan nang hindi personal na dumadalo sa Senado ngunit patuloy na tumatanggap ng suweldo.
Kinuwestiyon din niya ang rason ng hindi pisikal na pagdalo, pati ang paggamit ng “force majeure” at mga isyung may kaugnayan sa posibleng pag-aresto, habang binabalikan ang mga insidente kung saan nabigyan umano si Dela Rosa ng espesyal na konsiderasyon sa pagpasok at paglabas sa Senado sa gitna ng tensyon sa liderato.
Ang usapin ay muling lumutang kasabay ng patuloy na diskusyon sa mga patakaran ng Senado at mga protesta ng ilang miyembro ng minority bloc kaugnay ng mga pagbabago sa proseso ng plenaryo.













