Isang 13-segundong video at dalawang black-and-white na larawan ng mga maleta ang iniharap ng prosekusyon sa unang araw ng bail hearing sa kasong plunder laban kay dating House Speaker Martin Romualdez nitong Lunes, Oktubre 12.
Ayon sa prosekusyon, ang mga materyal ay nagmula kay George Villalon Jr., isa sa mga tinaguriang “maleta boys” na tumestigo sa pagdinig.
Sa video, makikita ang ilang indibidwal na nagsasalansan ng mga maleta. Samantala, mga maleta rin ang makikita sa dalawang larawang ipinakita sa korte.
Sa kaniyang testimonya, sinabi ni Villalon na ipinadala niya sa kaniyang asawa ang mga larawan bago ihatid ang mga maleta, kalakip ang mensaheng pera umano ang laman ng mga ito at ihahatid nila kay Romualdez.
Ipinadala rin umano niya ang video bilang update matapos maihatid ang mga maleta sa isang bahay na iniuugnay kay Romualdez sa McKinley Road noong Nobyembre 21, 2023.
Gayunman, inamin ni Villalon na wala na sa kaniya ang cellphone na ginamit sa pagkuha ng video. Ayon sa kaniya, ang ipinrisentang kopya ay nagmula sa pag-uusap nila ng kaniyang asawa sa Facebook Messenger, na isinave sa laptop bago inilipat sa USB.
Dahil dito, iginiit ng depensa na kailangang mapatunayan muna ang authenticity o pagiging tunay ng video bago ito tanggapin bilang ebidensiya sa pagdinig.













