KORONADAL CITY – Ipinagmamalaki ng pamilya, mga kaklase at buong komunidad ng Banga National High School ang 14-anyos na si Bryan Ezel Pamonag, na pinarangalan ng Department of Education (DepEd) bilang “DepEd Hero.”
Ito ay matapos ang ipinakita niyang katapangan sa gitna ng pamamaril sa kanilang paaralan sa Banga, South Cotabato, noong Setyembre 18, 2026. Sa kabila ng pagkakatama ng bala sa kaniyang braso, ginawa ni Pamonag ang lahat upang maprotektahan ang kaniyang mga kaklase laban sa armadong suspek.
Sinikap ni Pamonag na pigilan ang suspek na makapasok sa kanilang silid-aralan sa pamamagitan ng pagsasara ng pinto at paglalagay ng mga bangko bilang harang. Tinulungan din niya ang kaniyang mga kaklase na makatakas sa pamamagitan ng mga bintana sa likuran ng silid-aralan.
Dahil sa kaniyang katapangan at kabayanihan, personal na iginawad ni Education Secretary Sonny Angara kay Pamonag ang DepEd Heroes Award noong Oktubre 12, 2026, sa Cainta Elementary School sa Cainta, Rizal.
Ang pagkilalang ito ay hindi lamang tagumpay para kay Pamonag at sa kaniyang pamilya, kundi isa ring karangalan para sa kaniyang mga kaklase, mga guro at sa buong Banga National High School.
Sa kabila ng nakatatakot na karanasan, nagsilbing simbolo si Pamonag ng katapangan, malasakit at kahandaang isakripisyo ang sarili para sa kaligtasan ng kaniyang mga kapwa mag-aaral.













