-- ADVERTISEMENT --

Iniutos ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagpapalakas ng police presence at paghahanda ng mga tauhan, kagamitan, at resources para sa mabilis na pagtugon sa epekto ng Bagyong Inday sa ilang bahagi ng bansa.

Bagama’t hindi direktang tumama sa kalupaan ang bagyo, nagdulot ito ng matinding pag-ulan na nagresulta sa pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang lugar, lalo na sa Visayas at Mindanao. Umabot sa 18 katao ang nasawi habang 14 naman ang patuloy na hinahanap.

Ayon kay Nartatez, patuloy na nakatutok ang PNP sa mga operasyon para sa mga apektadong komunidad, kabilang ang search and rescue, clearing operations, pamamahagi ng tulong, at iba pang gawaing may kaugnayan sa pagtugon sa kalamidad.

Nauna nang itinaas sa heightened alert status ang mga police unit sa buong bansa upang matiyak ang kahandaan at agarang pagresponde sa anumang pangangailangan ng publiko habang nagpapatuloy ang epekto ng bagyo.

Tiniyak ng PNP na mananatili ang kanilang mga tauhan sa mga lugar na nangangailangan ng tulong upang suportahan ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya sa pagtugon sa pinsalang dulot ng Bagyong Inday.