-- ADVERTISEMENT --

Umano’y umabot sa ₱817.87 milyon ang mga yaman na hindi naideklara ni Vice President Sara Duterte mula 2022 hanggang 2025, batay sa pagsusuri ng financial forensic expert na si Alexander Cabrera sa impeachment trial sa Senado.

Ayon kay Cabrera, lumitaw sa kaniyang pagsusuri ang mga pagkakaiba sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte at sa mga rekord mula sa mga bangko, Securities and Exchange Commission (SEC), at Bureau of Internal Revenue (BIR). Kabilang umano sa mga natukoy na halaga ang mga cash asset na nakaugnay sa mga bank account ng kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Bukod dito, tinaya sa ₱143 milyon ang umano’y hindi naideklarang personal assets at real estate properties ng mag-asawa. Inilahad din sa pagdinig ang pag-withdraw ng ₱41 milyon mula sa dalawang bangko sa Davao City sa loob lamang ng isang oras noong Agosto 6, 2024.

Samantala, iginiit ng kampo ni Duterte na ilalahad nila ang kanilang mga ebidensiya at paliwanag bilang tugon sa mga alegasyon. Binigyang-diin din nina Senate President Francis Escudero at Senador Panfilo Lacson na hindi pa pinal ang mga natuklasan ni Cabrera at kinakailangan pang suriin ang mga ito kasama ng mga ebidensiyang ihaharap ng depensa.

Inaasahang sasailalim si Cabrera sa cross-examination ng depensa sa susunod na linggo, kung saan magkakaroon ng pagkakataong kuwestiyunin ang kaniyang mga pagsusuri at mga konklusyon.