KORONADAL CITY – Umakyat na sa 37 ang bilang ng mga nasawi, habang halos 500 ang sugatan at apat pa ang nawawala matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa karagatan ng Sarangani.
Ayon sa pinakahuling ulat mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), apat ang naitalang namatay at 23 ang nasugatan sa Davao Region.
Samantala, nakapagtala naman ng 33 patay, 456 na sugatan, at apat na nawawala sa rehiyon ng SOCCSKSARGEN (Region 12).
Kabilang sa mga nasawi sa Region 12 ang tatlong residente mula sa lalawigan ng South Cotabato, kung saan dalawa ang naitalang patay sa bayan ng Tupi at isa naman sa bayan ng Tboli.
Sa kasalukuyan, mahigit 19,000 pamilya ang apektado ng kalamidad, at nasa 5,000 pamilya rito ang pansamantalang nananatili sa loob ng mga evacuation center.
Agad namang nagpadala ang Philippine Coast Guard ng 150 responders sa General Santos City upang tumulong sa search and rescue operations para sa mga biktima na na-trap sa mga gumuhong istruktura, gayundin sa paghahanap sa mga nawawala.
Nauna nang nag-ulat ang Phivolcs ng paglitaw ng tsunami sa mga baybayin ng Sarangani, Sultan Kudarat, Zamboanga City, Davao Oriental, at Surigao del Sur, subalit opisyal nang inalis ang lahat ng tsunami warnings noong Hunyo 8.
Dahil sa pinsalang dulot ng pagyanig, kanselado muna ang mga klase sa ilang apektadong lugar sa unang araw ng pagbubukas ng school year.













