Iginiit ng legal na kampo ni Rodrigo Duterte na kanilang mapatutunayan sa paglilitis ng International Criminal Court na walang katotohanan ang alegasyong may direktiba ang pamahalaan na pumatay ng mga suspek kaugnay ng kampanya kontra ilegal na droga.
Ayon kay defense counsel na si Nicholas Kaufman, nakabatay lamang umano ang kaso ng prosekusyon sa mga testigong kuwestiyonable ang kredibilidad.
Kinuwestiyon din niya ang naging desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I na kumpirmahin ang mga kasong crimes against humanity, kabilang ang murder at attempted murder, laban sa dating pangulo.
Paliwanag ni Kaufman, hindi pa lubusang nasusuri sa confirmation hearings ang pagiging mapagkakatiwalaan ng mga testigo ng prosekusyon.
Samantala, binatikos din ng kampo ng depensa ang umano’y posibilidad na may kapalit o pabuya ang testimonya ng ilang testigo, gaya ng proteksyon laban sa mga kaso at pagbibigay ng bagong identidad gamit ang pondo mula sa international community.
Nanindigan ang abogado na walang sapat na bigat ang mga ebidensiyang patuloy na inihaharap ng mga kritiko ni Duterte.













