Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang patuloy na mga hakbang ng administrasyon para mapalakas ang benepisyo, insentibo at kapakanan ng mga guro.
Sa pagdiriwang ng National Teachers’ Day sa Araneta Coliseum sa Quezon City, binanggit ng Pangulo ang World Teachers’ Day Incentive Benefit at Performance-Based Bonus para sa 2024, na patuloy nang ipinoproseso.
Inatasan din umano niya ang mga kinauukulang ahensya na pabilisin ang proseso ng pagbibigay ng mga bonus sa mga guro.
Kasama rin sa mga ipinatutupad na reporma ang pagpapalawak ng career opportunities, pagbawas sa classroom observations at pagpapagaan ng administrative workload. Mahigit 82,000 guro at school heads na rin umano ang na-promote sa ilalim ng Expanded Career Progression System.
Samantala, binigyang-diin ni Marcos ang mahalagang papel ng mga guro sa paghubog ng kaalaman, disiplina at pagpapahalaga ng kabataan.
Pinalalakas din umano ng pamahalaan ang mental health at guidance services sa mga paaralan, pati ang mga programa laban sa bullying at karahasan.
Tiniyak ng Pangulo na mananatiling prayoridad ng administrasyon ang edukasyon at kapakanan ng mga guro.













