Hindi humarap sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Lunes sina dating House Speaker Lord Allan Velasco at asawang si Rowena kaugnay ng imbitasyon sa umano’y “cash delivery” allegations ni dismissed police officer Rodulfo Gracioso Jr.
Tatlong abogado ang dumating sa NBI headquarters sa Pasay City bilang kinatawan ng mag-asawa. Ayon kay Atty. Rowell Ilagan, humingi rin sila ng kopya ng affidavit ni Gracioso upang mapag-aralan at matugunan ang mga alegasyon laban sa kanilang mga kliyente.
Muling itinanggi ni Ilagan ang mga paratang at sinabing sasagutin ito ng mag-asawa sa tamang forum at panahon. Wala pa namang bagong iskedyul na itinakda ang NBI para sa kanilang pagharap.
Ayon kay Gracioso, naghatid umano siya ng mahigit ₱2 bilyon kay Vice President Sara Duterte, ₱1 bilyon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, at ₱100 milyon kay Paolo Duterte, na isinagawa umano sa utos ni Velasco. Itinanggi naman ni VP Sara ang mga alegasyon at sinabing hindi niya kilala si Gracioso.
Samantala, sinabi ng NBI na lumabas sa panibagong lie detector test ni Gracioso ang resulta na “no deception indicated.”












