Pinayagan ng Senate impeachment court si Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Ronel Buenaventura na tumestigo kaugnay sa mga bank transaction nina Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio.
Ayon kay Senate President at impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero, hindi ganap ang confidentiality ng bank records at hindi ito maaaring gamitin upang hadlangan ang AMLC sa pagtupad ng mandato nito.
Maaari umanong ipaliwanag at patunayan ni Buenaventura ang mga AMLC report na saklaw ng subpoena ng impeachment court. Nilinaw naman ni Escudero na limitado lamang ang testimonya sa mga usaping may kaugnayan sa kaso at maaari itong isagawa nang in camera kung kinakailangan.
Una nang tinutulan ng kampo ni VP Sara ang pagharap ni Buenaventura bilang testigo, at iginiit na dapat munang maayos na ma-verify ang mga dokumento.
Samantala, sinabi ni Buenaventura na naaayon sa batas ang pagsusumite ng AMLC ng mga covered at suspicious transaction reports na may kaugnayan kina Duterte at Carpio, alinsunod sa utos ng impeachment court.













