-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nakakulong na ngayon ang apat na katao matapos mahuli sa magkakahiwalay na operasyon ng mga awtoridad laban sa smuggled na sigarilyo at ilegal na droga sa Koronadal City at bayan ng Tupi, South Cotabato.

Unang naaresto ang dalawang suspek sa isinagawang anti-smuggling operation ng pulisya sa bahagi ng Barangay General Paulino Santos, Koronadal City, kung saan nasabat ang mahigit isang daang ream ng hinihinalang smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng libo-libong piso.

Samantala, sa hiwalay na operasyon kontra droga sa Barangay Crossing Rubber, Tupi, dalawang lalaki naman ang naaktuhang nagbebenta ng pinaghihinalaang shabu. Nakuha mula sa kanila ang ilang sachet ng naturang iligal na droga at buy-bust money.

Ayon sa South Cotabato Police Provincial Office, nagpapatuloy ang kanilang maigting na kampanya laban sa smuggling at ilegal na droga bilang bahagi ng mas pinaigting na peace and order drive sa lalawigan.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act ang dalawang suspek na sangkot sa smuggled na sigarilyo, habang kasong kriminal na may kinalaman sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa laban sa dalawang drug suspects.