-- ADVERTISEMENT --

Hindi pa agad tuluyang makalalaya sina Deniece Cornejo at Cedric Lee kahit iniutos na ng Court of Appeals (CA) ang kanilang pagpapalaya, ayon sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang, kailangan munang sumailalim sina Cornejo at Lee sa kaukulang proseso, kabilang ang pag-aapply para sa parole, bago sila mapalaya.

Kasunod ito ng desisyon ng CA na ibaba ang kaso ng dalawa mula serious illegal detention tungo sa grave coercion, na may mas mababang parusang pagkakakulong na anim na buwan hanggang tatlong taon.

Bagama’t iniutos ng appellate court ang kanilang pagpapalaya matapos maibaba ang sentensiya, iginiit ni Catapang na kailangan pa ring isaalang-alang ang natitirang proseso kaugnay ng kanilang hatol sa grave coercion.

Nilinaw rin ng BuCor na hindi maaaring sabay na pagsilbihan nina Lee at Cornejo ang kanilang sentensiya at hindi basta-basta maaaring ipatupad ang utos ng CA nang hindi dumaraan sa itinakdang proseso.

Sinabi ni Catapang na may sinusunod na mga patakaran ang BuCor sa pagpapatupad ng mga desisyon ng korte, kaya kinakailangan munang makumpleto ang kaukulang pagsusuri at proseso bago tuluyang maisagawa ang pagpapalaya.