KORONADAL CITY – Mahaharap sa kaukulang kaso ang dalawang lalaki matapos maaresto dahil sa pambubugbog sa labas ng gate ng DPWH Region 12 sa Barangay Zone 3, Koronadal City, pasado alas-11 ng umaga kahapon, Setyembre 12, 2025.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Den, 24-anyos, at alyas Tikoy, 28-anyos, kapwa residente ng Datu Paglas, Maguindanao.
Ayon sa Koronadal PNP, pinagtulungan umano ng mga suspek ang nagreklamo na si alyas Rene, kasama ang kanyang kapatid na si alyas Tomi at bayaw na si alyas Tokboy, pawang taga-Barangay San Emmanuel, Tacurong City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nag-ugat ang gulo sa hati-hatian ng bayad sa Road Right of Way claims na umano’y kaugnay ng lote ng mga biktima at ibinabayad mula sa DPWH-12.
Sa ngayon, inihahanda na ang kaso laban sa mga suspek para sa Threat at Physical Injuries.