Sa kabila ng malawakang pinsalang dulot ng magnitude 7.8 na lindol noong Lunes, unti-unti nang naibabalik ang suplay ng kuryente sa mga lalawigang naapektuhan sa Mindanao.
Ayon sa Department of Energy (DOE), malaking bahagi na ng mga lugar na nawalan ng kuryente matapos ang pagyanig ay muling nakatatanggap ng serbisyo ng kuryente matapos ang agarang pagkukumpuni sa mga pasilidad ng enerhiya.
Batay sa paunang pagsusuri, apat na power plant, dalawang transmission line, apat na pribadong distribution utility, at walong electric cooperative ang naapektuhan ng lindol. Sa pinakahuling monitoring ng ahensya, dalawa sa mga nasirang power plant ang nakabalik na sa operasyon habang bahagyang naibalik na rin ang serbisyo ng mga transmission facility.
Nakapagpatuloy na rin ng operasyon ang apat na private distribution utilities at pito sa walong electric cooperatives na unang nakaranas ng pagkaantala sa serbisyo.
Gayunman, nananatili pa ring walang kuryente ang mga lugar na nasasakupan ng South Cotabato II Electric Cooperative Inc. (SOCOTECO II), na patuloy na nakararanas ng total blackout habang isinasagawa ang mga kinakailangang pagkukumpuni at assessment.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na tinatayang nasa 864,000 kabahayan sa Sarangani, South Cotabato, Sultan Kudarat, Davao Region at mga kalapit na lugar ang naapektuhan ng pagkawala ng kuryente kasunod ng malakas na lindol. Aniya, patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan at mga power provider upang tuluyang maibalik ang normal na suplay ng kuryente sa lahat ng apektadong komunidad.













