May hindi bababa sa 30 active bank accounts sa walong bangko sina Vice President Sara Duterte at ang kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025, ayon sa prosekusyon sa Senate impeachment court.
Ayon kay Private Prosecutor James Bryan Ibrahim Alih, umabot sa mahigit ₱190 milyon ang pinagsamang year-end balance ng mga account ng mag-asawa sa loob ng apat na taon.
Kabilang sa mga bangkong sakop ng records ang LandBank, Asia United Bank, Philippine Savings Bank, Metrobank, Security Bank, BPI, Philippine National Bank at BDO.
Batay sa mga dokumentong iniharap ng prosekusyon, nasa mahigit ₱59 milyon ang pinagsamang balanse noong 2022, lumampas sa ₱71 milyon noong 2023, mahigit ₱22 milyon noong 2024, at nasa mahigit ₱35 milyon noong 2025.
Iniharap ang mga bank records upang ihambing ang mga balanse sa mga ari-ariang idineklara ni Duterte sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
Ayon sa prosekusyon, ilalatag muna sa impeachment court ang mga account records bago talakayin ang mga malalaki at kahina-hinalang transaksyon na makikita sa mga dokumento.













