-- ADVERTISEMENT --

Posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Martes, Oktubre 20, ang Super Typhoon Champi na tatawaging Bagyong Rosal kapag nakapasok na sa nasabing sona, ayon sa PAGASA.

Batay sa ulat ng ahensya nitong Linggo, Oktubre 18, nasa labas pa ng PAR ang bagyo ngunit posibleng makaapekto sa Cagayan Valley at hilagang bahagi ng Ilocos Region sa huling bahagi ng linggo.

Namataan ang Champi sa layong humigit-kumulang 2,000 kilometro silangan ng timog-silangang Luzon, taglay ang lakas ng hanging 185 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 230 kilometro kada oras. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Samantala, umiiral ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa Palawan at kanlurang Mindanao, habang easterlies naman ang nakaaapekto sa Visayas at nalalabing bahagi ng Luzon.

Dahil dito, inaasahan ang mga pag-ulan at thunderstorms sa ilang bahagi ng bansa, kabilang ang Palawan, Zamboanga Peninsula, Quezon, Bicol Region at Eastern Visayas. Posible rin ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malakas at matagal na pag-ulan.

Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga residente sa hilagang Luzon, na manatiling nakatutok sa mga opisyal na abiso ng PAGASA dahil maaari pang magbago ang direksiyon at galaw ng bagyo.