Nanawagan ang PAGASA sa publiko na iwasan ang panic buying at labis na pag-iimbak ng bottled water kasabay ng inaasahang epekto ng El Niño sa suplay ng tubig sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Dan Villamil, mahalagang magtipid sa tubig ngunit hindi kailangang mag-hoard dahil maaari itong makaapekto sa suplay para sa ibang consumers.
Posibleng tumagal ang El Niño hanggang Marso o Hunyo 2027. Tinatayang nasa 40 probinsya ang maaaring makaranas ng mas kaunting pag-ulan, na posibleng umabot sa 80 probinsya pagsapit ng Enero.
Sa agrikultura, inirerekomenda ang pagtatanim ng mga pananim na mas kaunti ang pangangailangan sa tubig.
Samantala, tiniyak ng DTI na sapat pa ang suplay ng bottled water at walang dahilan para mag-hoard. Paiigtingin din ng ahensya ang price monitoring at pakikipag-ugnayan sa manufacturers at distributors upang mapanatili ang tuloy-tuloy na suplay.
Mino-monitor din ng DTI ang mga reklamo tungkol sa umano’y overpricing ng plastic drums, water containers at iba pang water-storage products.












