-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na mino-monitor ng PAGASA ang bagyong Choi-Wan, na nasa labas pa rin ng Philippine Area of Responsibility o PAR nitong alas-2:00 ng hapon, Oktubre 4.

Huling namataan ang sentro nito sa layong 2,610 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging hanggang 175 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 215 kilometro kada oras. Kumikilos ito pahilaga sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Samantala, nakaaapekto na sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao ang trough o buntot ng bagyo, na magdadala ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Mindanao, Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Leyte at Southern Leyte.

Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa, partikular sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.

Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan ang inaasahan, kasama ang pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms dahil sa localized thunderstorms.

Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto dahil maaari ring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa ang malalakas na thunderstorms.