-- ADVERTISEMENT --

Ganap nang naging batas ang panukala na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo ng bansa na bawasan o suspendehin ang excise tax sa mga produktong petrolyo.

Ito ay matapos pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12316.

Ayon sa batas, binibigyan nito ang Pangulo ng emergency powers upang ipatupad ang suspension o pagbawas ng excise tax sa langis, batay sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) at sa koordinasyon ng Kalihim ng Department of Energy.

Maaaring gamitin ang kapangyarihang ito kapag umabot o lumagpas sa 80 dolyar kada bariles ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado sa loob ng isang buwan.

Sinasaad din sa batas na ang pagbawas o suspensyon ng buwis ay maaaring ipatupad lamang sa piling produkto ng petrolyo. Maaari itong ganap na suspensyon o bahagyang pagbawas, depende sa umiiral na kalagayan ng ekonomiya at presyo ng langis.

Nilinaw ng batas na ang pagpapatupad ng suspension o pagbawas sa excise tax ay hindi lalagpas sa tatlong buwan sa loob ng isang taon.

Bahagi ito ng mga hakbang ng pamahalaan upang mapagaan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa mamamayan, partikular sa pamasahe, presyo ng bilihin, at iba pang gastusin sa transportasyon.

Magiging epektibo ang batas labing-limang araw matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon.