-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Imee Marcos na tila pinupuntirya umano ang 13 miyembro ng Senate majority bloc matapos ang sunod-sunod na ulat ng “case buildup” at mga reklamong iniuugnay sa kanilang hanay.

Ayon sa senadora, may natatanggap umano silang impormasyon sa pamamagitan ng tawag at text messages mula sa ilang tauhan ng Office of the Ombudsman, Department of Justice, at National Bureau of Investigation tungkol sa umano’y paghahanda ng mga kaso laban sa ilang senador.

Sinabi ni Marcos na tila pabigat nang pabigat ang mga kasong iniuugnay sa kanilang grupo, bagay na aniya’y nagdudulot ng pagdududa kung may bahid na ng pamumulitika o panggigipit.

Kabilang sa mga pangalang binanggit ng senadora sina Rodante Marcoleta, Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, Francis Escudero, at magkapatid na sina Camille Villar at Mark Villar bilang ilan umano sa mga iniuugnay sa reklamo at imbestigasyon.

Binanggit din niya si Ronald dela Rosa na nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon pa kay Marcos, posible ring madamay si Bong Go matapos umanong mapangalanan bilang co-perpetrator sa nasabing kaso.

Kasabay nito, kinuwestyon din ng senadora kung bakit mas matindi umano ngayon ang tensyon sa Senado kumpara sa mga nakaraang pagpapalit ng liderato. Aniya, noong panahon ni dating Senate President Tito Sotto, hindi umano sila nagreklamo kahit hindi nila suportado ang liderato noon.

Sa huli, nagpahayag si Marcos ng pag-asang hindi mauuwi sa umano’y “persecution” ang mga kasong iniuugnay sa kanilang grupo lalo na sa gitna ng mga kinakaharap na suliranin ng bansa.