-- ADVERTISEMENT --

Nagparamdam sa publiko si Ronald dela Rosa sa pamamagitan ng kaniyang social media account kasabay ng pagdiriwang ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ng mga Muslim nitong Miyerkules, Mayo 27.

Sa kaniyang mensahe, nakibahagi ang senador sa pagdiriwang ng komunidad ng Muslim at nagpahiwatig din ng kaniyang kasalukuyang pinagdaraanan.

Ayon kay dela Rosa, “Despite the persecutions we face on every possible front, we hold fast to our faith: no sacrifice will be in vain. God sees us. God is with us.”

Muling umigting ang usapin tungkol sa senador matapos iugnay ng ilang mambabatas ang kaniyang sitwasyon sa kontrobersyal na panukalang payagan ang remote participation ng mga senador sa pamamagitan ng teleconference o videoconference sa Senate of the Philippines.

Nauwi pa sa walkout ng ilang miyembro ng minority bloc ang debate sa plenaryo dahil sa umano’y minamadaling pagbabago sa Senate rules kaugnay ng remote attendance at online voting.

Samantala, nagsagawa naman ng operasyon ang National Bureau of Investigation, Philippine National Police, at Criminal Investigation and Detection Group sa isang subdivision sa Alabang kung saan umano’y natunton ang posibleng kinaroroonan ng senador.

Batay sa mga ulat, ang naturang bahay ay umano’y pagmamay-ari ng tiyuhin ni Robin Padilla.

Sa kabila nito, nananatiling tikom si dela Rosa hinggil sa kaniyang eksaktong lokasyon at sa mga alegasyong kinahaharap niya kaugnay ng imbestigasyon ng International Criminal Court sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.