-- ADVERTISEMENT --

Tinalakay sa unang status conference ng kaso ni Rodrigo Duterte sa International Criminal Court ang paggamit ng Ingles at Filipino sa nalalapit na paglilitis kaugnay ng kinakaharap niyang kasong crimes against humanity.

Ayon sa prosecution panel, mahalagang maging malinaw at madaling maunawaan ng publiko—lalo na ng mga Pilipino—ang takbo ng proceedings dahil malaki ang interes ng taumbayan sa kaso ng dating pangulo.

Bilang bahagi nito, nagpahayag ng kahandaan ang ICC na maglaan ng interpreters para sa mga testigong haharap laban kay Duterte upang matiyak na maayos na maisasalin sa kanilang sariling wika ang mga talakayan at testimonya sa loob ng hukuman.

Samantala, sinabi naman ng defense team na hindi na kinakailangan ng interpreter si Duterte dahil kaya naman umano nitong unawain at gamitin ang Ingles sa mga pagdinig.

Sa naturang conference, binanggit din ni Joanna Korner na target ng ICC Trial Chamber III na maisagawa ang trial proceedings sa Nobyembre, bagama’t nakadepende pa rin ito sa resulta ng panibagong medical assessment ng dating pangulo.

Kasalukuyang sinusuri ng tatlong accredited experts ng ICC ang kondisyon ng kalusugan ni Duterte upang matukoy kung may mga medikal na konsiderasyong maaaring makaapekto sa kaniyang pagharap sa paglilitis.