-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si Win Gatchalian ng malawakang reporma sa Senado, partikular sa imahe at kredibilidad nito, matapos ang sunod-sunod na kontrobersiya at kaguluhang yumanig kamakailan sa mataas na kapulungan.

Ayon kay Gatchalian, kapansin-pansin na ngayon sa social media ang pagkalat ng mga video clips at memes kaugnay ng mga nangyari sa Senado, kung saan nagiging sentro ng katatawanan at batikos ang umano’y “drama” sa loob ng institusyon.

Giit ng senador, kailangang agarang matutukan ng kasalukuyang liderato—o maging ng susunod na mamumuno sa Senado—ang pagpapanumbalik ng dignidad at tiwala ng publiko sa institusyon.

Sinabi rin ni Gatchalian na sa loob ng sampung taon niyang panunungkulan bilang senador ay ngayon lamang siya nakaranas ng ganitong antas ng kaguluhan at negatibong pagtingin laban sa Senado.

Inamin niyang naapektuhan ang integridad ng kapulungan, lalo na matapos ang insidente ng pamamaril na nagdulot ng mas matinding pangamba at kontrobersiya.

Dagdag pa niya, mahalagang mailabas sa publiko ang buong katotohanan sa nangyaring insidente at mapanagot ang lahat ng sangkot upang maibalik ang kumpiyansa ng mamamayan sa Senado.

Binigyang-diin din ng senador ang pangangailangang magpatupad ng mga hakbang upang matiyak na hindi na mauulit ang ganitong insidente sa hinaharap, bilang bahagi ng pagprotekta sa reputasyon at institusyonal na integridad ng Senado.

Samantala, patuloy ring umugong ang pangalan ni Gatchalian bilang isa sa mga posibleng maging susunod na Senate President, dahil umano sa kakayahan nitong pag-isahin ang ilang miyembro ng majority bloc at maging ang kasalukuyang minority bloc. May ilang senador na rin ang nagpahayag ng suporta at kumpiyansa sa kanyang kakayahang pamunuan ang mataas na kapulungan.