Walang naitalang pag-alis ng bansa si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa mga international port of entry at exit ng Pilipinas, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay Dana Sandoval, walang nakikitang recent international travel record ang ahensya para kay Dela Rosa sa mga paliparan at pantalan na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng BI. Kabilang dito ang mga international airport at seaport gaya ng Zamboanga International Seaport.
Nilinaw din ng BI na hindi saklaw ng kanilang monitoring ang mga bay area at iba pang coastal point na binabantayan ng lokal na pamahalaan, Philippine Coast Guard, at kapulisan.
Nauna nang sinabi ng Philippine National Police na nananatili pa rin umano sa bansa si Dela Rosa habang nakahanda ang mga awtoridad sa posibleng pagpapatupad ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Kasalukuyang nasa ilalim ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang senador kaugnay ng kinahaharap nitong warrant para sa kasong crimes against humanity. Ayon sa ICC, inaakusahan si Dela Rosa bilang “indirect co-perpetrator” kasama ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga umano’y pagpatay sa kampanya kontra droga mula 2016 hanggang 2018.
Iginiit naman ng kampo ni Dela Rosa na bagama’t kinikilala nila ang pagkakaroon ng warrant, hindi nila ito itinuturing na may bisa sa Pilipinas.
Matatandaang ilang buwan ding hindi nagpakita sa Senado si Dela Rosa matapos lumabas ang balitang may warrant siya, bago muling makita noong Mayo 11 para bumoto sa pagbabago ng liderato sa Senado.












