-- ADVERTISEMENT --

Nagpahayag ng pag-asa si Pope Leo XIV na magiging simula ng pangmatagalang kapayapaan sa Gitnang Silangan ang pansamantalang kasunduan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran na naglalayong wakasan ang nagpapatuloy na sigalot sa rehiyon.

Mula sa Castel Gandolfo sa Italya, sinabi ng Santo Papa na ikinagagalak niya ang pag-abot ng dalawang bansa sa isang kasunduan at nagpahayag ng pasasalamat sa naging pag-unlad ng usapang pangkapayapaan. Inaasahan din aniya na maisapinal ang kasunduan sa mga susunod na araw.

Binigyang-diin ni Pope Leo na mas epektibong naaayos ang mga alitan sa pamamagitan ng dayalogo at negosasyon kaysa sa paggamit ng dahas o pagbabalik sa armadong tunggalian. Aniya, may mga usaping kailangan pang resolbahin, ngunit mahalagang ipagpatuloy ang pag-uusap upang maiwasan ang panibagong pagdanak ng dugo.

Matatandaang ilang beses nang nanawagan ang Santo Papa para sa kapayapaan at diplomatikong solusyon sa tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran. Naging kritikal din siya sa ilang pahayag na may kaugnayan sa digmaan, dahilan upang makatanggap siya ng batikos mula kay Donald Trump sa mga nagdaang buwan.

Sa kabila nito, nananatiling sentro ng kanyang mensahe ang pagsusulong ng pagkakaisa, pag-uusap, at mapayapang resolusyon sa mga sigalot bilang paraan upang maiwasan ang karagdagang pagkawala ng buhay at mapanatili ang katatagan sa rehiyon.